Lumipas ang unang linggo ko dito sa dormitoryo ng KHF na masaya at puno ng insomya. Sa pitong araw na pamamalagi ko, apat doon ang dumaan na di ako naka-idlip man lang. Bahagi na yata ng buhay ko ang kawalan o kakulangan ng tulog. Simula na pa noong ako’y hayskul pa lamang, mas dilat ako kung kailan himbing na ang kalahati ng ating planeta. Iyon marahil ang dahilan kung bakit lubos na napamahal sa akin ang pagsusulat. Sa gitna ng katahimikan ay ang lubos na kasiyahang dala ng pag-likha ng bagong mundong ako at ang bolpen ko lamang ang nakakaalam at nakakaramdam. Isang mundong hindi nalalayo sa ibat-ibang mukha ng kahirapan ng aking pang-araw araw na daigdig, ngunit higit na hitik at nag-uumapaw sa pag-asa, galak at kadunungan…
Siguro namamahay lang ako…Hindi ko maiwasang isipin ang kalagayan ng pamilyang aking iniwan. Habang ako’y nasa komportableng sitwasyon siguradong sila ay patuloy na nilalabanan ang agos ng mahirap na buhay at walang humpay na umaasang balang araw babait din ang kapalaran…
Bakit nga ba ako nananagalog? Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung bakit nitong nakaraang mga araw ay parang nangangati akong magsulat sa Tagalog. Marahil nangungulila lang ako sa sarili kong wika. Nakakahiya naman kasi kong hindi ako mahahasa sa linggwahe ng mga taong nais kong bigyang boses sa aking mga magiging ulat at dokumentaryo (sana!) sa hinaharap. Nakakalungkot ang katotohanang dito sa bansa natin, hindi ka matalino kung hindi ka magaling mag-Ingles. Ang karaniwang impresyon ng tao sa mga Atenista ay yong mga epistaxis (nosebleed) mag-Ingles. Kumsabagay, wala namang masama don pero ‘yon lang ba talaga ang nararapat na makita nila sa mga mag-aaral na hinubog at tinuruan para magsilbi sa kapwa, sa lipunan, sa bayan at sa Diyos?
Napakarami na rin ng mga gabing nakatingala lamang ako sa kalangitan at tinatanong ang aking sarili kung naisasabuhay ko ba ang mga adbokasiya at adhikain ng aking mahal na paaralan. May nagawa na nga ba ako para sa aking kapwa? May ginagawa ba ako para sa aking bayan? Ano ba ang magagawa ko para sa aking Diyos? Kahit hindi ko man laging masagot ng malinaw ang mga nakababagabag na mga katanungang ito, panatag ako dahil ang bawat paglubog ng araw ay nagdudulot ng panibagong pagkakataon at pag-asa upang masumpungan ang mga kasagutan, katotohanan at simpleng kaligayahang inaasam. Pero sa ngayon, kontento na akong panoorin ang buwan at ang mga bituin.
Balang araw, sa awa ng Diyos mababago ko rin ang takbo ng buhay ko at ng aking pamilya at ito ay dahil sa tulong nina Ate Bigz, Ma’am Judith, ng aming presidente na si Fr. Joel E. Tabora, SJ, benefactors ng Kristong Hari Foundation (KHF) at lahat ng taong tumulong sa akin at naniwala sa aking kakayahan. Isang napakalaking pribelihiyo ang maging iskolar subalit isa rin itong napabigat na krus na kailangang pasanin at mahalin.
Sana nga kapag dumating na ang takdang oras ko para pumunta sa “outside world”, sa labas ng mapagkalingang mga haligi ng aking Alma Mater, sana mapanatili ko ang impresyon ng mga tao sa husay mag-Ingles ng mga Atenista, higit sa lahat, minimithi kong maipakita at mapatunayan na ako ay nabiyayaan ng edukasyong hindi lamang nagtuturo kung paano maghanap-buhay kundi pati na rin (at lalong-lalo na) kung paano mabuhay. Ang mabuhay ng may misyon, paninindigan, pananampalataya at pagmamalasakit sa kapwa, sa bayan at sa Diyos…
At sana, makatulog na uli ako ng maayos…
No comments:
Post a Comment