NSTP-CFFP
2009 Immersion (3RD Batch)
Brgy. Sibaguan, Sagñay, Cam. Sur
February 21, 2009
“A Testimonial”
Ang pamilyang “umampon” sa amin ay may limang supling: sina Analito, labing tatlong (13) taong gulang, Analiza, 11, Anamarie, 8, Anthony, 5 at Albert, 3. Sa kanilang lima, kina Anthony at Albert ako unang napalapit. Kahapon kasi, pinahiram ko sila ng aking maliit na teleskopyo at nalibang akong panoorin sila sa paglalaro nito. Aliw na aliw sila at muntik pa ngang mag-away dahil sa pag-uunahan sa pagsilip sa mga lente. Nakakatuwa talaga ang mga bata, napakadali nilang pasayahin. Nakamamangha ang pagpapahalaga nila sa mga mumunting bagay, tulad ng isang laruan…Ako kaya, kailan pa ba ako huling naupo, nagalak at nakontento sa mga simpleng bagay sa paligid ko? Napapansin ko pa kaya ang bawat pagsikat at paglubog ng araw? Nabibigyan ko ba ng pagpapahalaga ang bawat minutong patuloy na pinahihiram sa akin ng Maykapal? …Sumisira ba ako ng pag-asa ng iba o nagbibigay ng lakas sa aking kapwa? Sadya nga kayang napakahirap sagutin ng mga katanungang ito?
Ang aming “foster father”, si kuya Marlon, ay isang “cook” sa Coco Café sa aming paaralan. Bihira lang siyang umuwi, siguro dahil sa layo ng lokasyon ng kanyang trabaho. Kaya si ate Liza ang tumatayong ama’t ina kapag wala siya. Naglalako siya ng isda para makatulong sa kanyang asawa at para na rin mapa-ikot ang kanilang pera. Bilang isang anak na lumaki rin na malayo sa ama, ‘di ko maiwasang maki-simpatya. Ganonpaman, di ko pa rin mahulaan, kung anu-ano ang mga naiisip at nararamdaman, ng mga tsikiting sa tuwing nakikita nilang may bakanteng upuan sa hapag-kainan.
Dinaranas rin kaya ni ate Liza ang mga hirap na patuloy na pinagdaraanan ng aking ina, o baka naman mas malala pa? Hindi ko alam ang sagot sa tanong na ‘to. Ang tanging alam ko lang ay tinanggap nila kami nang bukas palad at buong puso sa kanilang bahay at buhay, kahit pa nga panandalian lamang, sa kabila ng hikahos nilang kalagayan.
Noong unang beses pa nga lang naming nananghalian sa kanila, ay hindi na sila nag-atubiling ipagamit sa amin ang mga natitira nilang kubyertos. Dinala raw kasi ng mga bata sa eskwelahan ‘yong iba, kasama ng kanilang mga baon. Kaya nga, nahiya talaga ako noong nagsipagkamay na lamang sila sa pagkain. Gusto ko rin sanang makiisa at ipakitang “cowboy” din ako, kaya lang, mahaba na ang aking mga kuko at ‘di naman mainam kung magkakamay din ako. ‘Di ko na kasi nagupitan ang mga ito dahil medyo tanghali na ako nagising kahapon, dala ng kakulitan ng kaibigan kong insomya.
Marahil, ganito talaga tayong mga Pilipino, sobrang maasikaso at maalalahanin sa ating mga bisita. Lagi rin tayong may baon na ngiti sa ating mga labi at halakhak sa ating mga puso. Sa gitna ng kahirapan, pangungulila at kalungkutan, titiisin at kakayanin pa rin natin ang lahat para sa ating mga mahal sa buhay, at kahit ano pa mang kalamidad ang sa ati’y sumalanta, hinding-hindi pa rin tayo bibitiw sa ating pananampalataya.
Sa lahat po ng mga magulang na naririto, at sa mga anak na balang araw ay magiging mga magulang din, sana ay ‘wag nating kalimutan, na anumang karangyaang ating makakamtan, ay mawawalan ng kabuluhan, kung ang pamilya’y ating mapapabayaan.
Sa lahat po ng Bicolano at Pilipino, alalahanin natin na bukod sa pamilyang ating kinabibilangan, parte rin tayo ng isa pang mas malaking pamilya. Kaya nga, nararapat lamang, na ang ating kapwa at lahat ng Kanyang nilikha ay ating mahalin at pangalagaan, sapagkat tayo’y mga tagapangalaga lamang…Sa gitna ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya, at mga ingay at away pampulitika, na bumabalisa sa ating bansa, sana’y, hindi tayo magsawa na gawin lahat ng ating makakaya, upang ang Perlas ng Silanganan ay muling hangaan. Manatili sana sa atin ang paniniwalang, sa kabila ng lahat, likas na mabuti pa rin ang tao at maganda pa rin talaga ang mundo.
At sa aking mga minamahal na mga kapwa Atenista, binabati ko kayo, dahil tulad ko, naranasan niyo na ang isa sa pinakatatanging Ateneo tradition, ang Immersion. Nawa’y ang ating mga nasaksihan at naranasan ay lalong magpa-igting sa ating adhikaing “Preferential Option for the Poor” at sa ating hangaring maging “Men and Women for Others”. Minimithi ko, na balang araw, ang ating Diyos, bayan at pamayanan ay lubos nating mapaglingkuran. Sana, pag dating ng araw, na kinakailangan na nating tahakin ang daan, palabas sa mga mapagkalingang haligi ng ating Alma Mater, ay mapatunayan natin, na tayo’y nabiyayaan ng edukasyong nagturo, hindi lamang kung paano maghanap-buhay, kundi pati na rin, at lalong-lalo na kung paano dapat, mabuhay.
No comments:
Post a Comment